PINAGMULAN NG SALITANG BIBLIYA
Bagong Tipan
Ang mga aklat ng Bagong Tipan ay orihinal na isinulat sa Griego. Ang mga kauna unahang salin ng Bagong Tipan sa ibang lenggwahe ay kinabibilangan ng lumang Latin (ika 2 siglo CE), lumang Syriac (ika 4 hanggang ika 5 siglo CE), at Coptic (ikaapat na siglo CE). Isa pang salin sa Latin bukod sa "lumang Latin" ang Vulgata na isinalin ni Jerome (342–420 CE). Ang Peshitta na isinalin sa lenggwaheng Syriac ang bibliang ginagamit sa iglesiang Syriac. Ang Peshitta ay naglalaman ng 22 sa 27 mga aklat ng Bagong Tipan at hindi kasama rito ang 2 at 3 Juan, 2 Pedro, Judas at Apocalipsis. Ang pinakamatandang pragmentaryong manuskrito ng Coptic (sinaunang lenggwahe sa Ehipto) ay nagmula sa ikaapat na siglo CE na binubuo ng mga teksto ng ebanghelyo.
Ang saling Aleman na tinatawag na Luther Bible ay isinalin ng "ama ng repormasyon" na si Martin Luther noong 1534. Ang saling ito ay base sa Textus Receptus. Ang Luther Bible ang kauna-unahang salin ng biblia na may hiwalay na seksyong tinatawag na Apokripa. Ang mga aklat na hindi kasama sa tekstong Masoretiko ng Lumang Tipan ay inilipat ni Luther sa seksyong ito. Si Luther ay naghayag din ng pagdududa sa apat na aklat ng Bagong Tipan na Sulat sa mga Hebreo, Sulat ni Santiago, Sulat ni Judas at Aklat ng Pahayag. Ang apat na aklat na ito ay inilipat niya sa huli ng mga aklat ng Bagong Tipan.
Ang pinakaunang salin ng Bagong Tipan sa lumang Ingles ay kinabibilangan ng bibliyang Tyndale (1539), Geneva (1560), Bishop (1568), Douay-Rheims (1582), King James Version (1611). Ang mga saling ito ay base sa Griegong Textus Receptus. Ang mga Bagong Salin naman sa Ingles gaya ng NASB (1963) at New International Version o NIV (1973) ay base sa edisyong kritikal ng Griegong Bagong Tipan na "Novum Testamentum Graece" na resulta ng "kritisismong tekstwal". Ang Novum Testamentum Graece ang pinaniwalaan ng mga iskolar na pinakamalapit sa orihinal na Griego ng Bagong Tipan. Ang Textus Receptus at Novum Testamentum Graece ay magkaiba sa 6,000 na instansiya ng Bagong Tipan.see reference
Comments
Post a Comment